Manila, Philippines – Pinalalakas pa ng National Food Authority (NFA) ang accreditation ng mga retail outlet para matiyak na napapaabot sa mga mahihirap na pamilya ang murang bigas sa buong bansa.
Ayon kay NFA Administrator Jason Aquino, patuloy ang pag-accredit nila sa mga rice retail outlet sa mga pampublikong pamilihan, mga barangay, remote at resettlement areas.
Nasa 13,636 accredited rice retail outlets ang kasalukuyang nagbebenta ng NFA rice na nasa P27 at P32 kada kilo.
Nakapag-distribute na rin ng higit 250,000 bag ng bigas sa mga accredited rice outlet nito at government institutions.
Nasa 1.6 million bags mula sa limang milyong bag ng bigas ang nai-deliver na sa NFA warehouses na bahagi ng unang 250,000 metric tons ng imported rice sa pamamagitan ng government-to-government scheme.
Pinagana na rin ang mga Barangay Food Terminals (BFT) para mapaigting pa ang rice distribution policies.
Sa ngayong mayroon ng 76 NFA rice outlets sa mga BFT sa buong bansa.