Hindi maiwasan ni Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson na isiping magagamit sa kampanya para sa 2022 elections ang pinalobong budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa susunod na taon.
Sinabi ito ni Lacson makaraang matuklasan na sa halip bawasan ng ₱63 billion ay nadagdagan pa ng ₱28.3 billion ang budget ng DPWH alinsunod umano sa kagustuhan ng mga kongresista.
Dismayado si Lacson na kahit may pandemya ay nagpatuloy ang umano’y pagiging gahaman ng mga mambabatas.
Inasahan ni Lacson na hindi ito mangyayari makaraang isiwalat niya ang mga kwestyunableng items sa budget ng DPWH tulad ng doble o inulit na alokasyon para sa mga infrastructure projects.
Paliwanag naman ni Finance Commitee Chairman Senator Sonny Angara, para hindi maantala ang pagsasabatas ng 2021 national budget kaya hindi na ginalaw ang bilyun-bilyong pisong infrastructure funds para sa distrito ng mga kongresista.
Binanggit ni Lacson na base sa General Appropriations Bill mula sa Mababang Kapulungan, na may mga distrito ng mga kongresista ang napaglaanan ng mula ₱620 million hanggang ₱15 billion na infrastructure projects.
Sinabi ni Angara, tinilakay nila ito sa Bicameral Conference Committee pero hindi na nila ginalaw dahil siguradong magkakaproblema at mapapatagal ang pag-apruba sa 2021 budget na layuning tumugon sa COVID-19 pandemic.