Manila, Philippines – Pinamamadali ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa Kamara ang pagpapasa sa House Bill 2782 o ang Magna Carta of Airline Passengers Bill of Rights.
Ang suhestyon ng kongresista ay kaugnay na rin sa libu-libong airline passengers na nakaranas ng inconvenience noong nakaraang Linggo dahil sa pagsasara ng runway matapos na sumadsad dito ang Xiamen airlines.
Layunin ng panukala na proteksyunan ang karapatan ng mga airline passengers at magpataw ng karampatang parusa sa mga airline companies na lalabag dito.
Sa ilalim ng panukala, ang mga airlines na aabot sa 2 oras na delayed na flights ay dapat may kaakibat na pagkain, libreng tawag sa telepono, text at internet service para sa mga pasahero.
Kapag umabot naman sa 4 na oras ang delayed flights, bibigyan dapat ng airline ng libreng hotel accommodations, pagkain, at transportasyon ang mga pasahero.
Maaari ding i-reimburse ng pasahero sa loob ng limang araw ang ibinayad sa ticket at maaari ding i-rebook ang ticket ng walang dagdag na bayad.
May kaakibat din ito na 20% discount sa airfare ang mga senior citizens, PWDs at mga estudyante.