PINAMAMADALI | Refund sa tax at travel fees ng mga OFWs, pinamamadali ng isang mambabatas

Manila, Philippines – Pinamamadali ni House Committee on Banks and Financial Intermediaries Chairman Henry Ong ang pagre-refund sa travel tax at terminal fees sa mga OFWs.

Giit ng kongresista, ang gagawing pagpapapila sa 2.3 Million OFWs para maibigay ang nasa P277.65 Million travel tax at terminal fee refund ay lumang paraan at pahirap lamang para sa mga OFWs.

Payo ni Ong, kailangang gumamit na ng makabagong teknolohiya o financial at information technologies para magawa ng mga airlines at international airport agencies na ma-i-transmit na ang travel taxes at terminal fees direkta sa mga OFWs.


Tiyak naman aniyang may personal data ng mga OFWs ang mga airlines na bumabyahe sa international flights para madali at mabilis ang pagre-refund sa mga ito.

Sinabi ng mambabatas na hindi na dapat patagalin ang problema na ito dahil kung hindi ay mapipilitan ang Kongreso na manghimasok para sa mga OFWs.

Ang pagre-refund ng travel tax at airport o terminal fee sa mga OFWs ay salig sa Section 35 ng Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995.

Facebook Comments