Itogon, Benguet- Pinabibilisan na ng pamahalaan ang search, rescue at retrieval operations sa landslide sa Itogon, Benguet.
Ito’y dahil sa inaasahang pagpasok ng bagong bagyo sa bansa.
Ayon kay Presidential Adviser for Political Affairs Francis Tolentino – mayroon pang halos dalawang araw ang rescue team para hukayin ang gumuhong lupa.
Aniya, sisikapin nilang masuri ang mga nadiskubre nilang mga tunnel na posibleng pinaglubugan ng mga biktima.
Sa ngayon, apat na backhoe na ang humuhukay sa site, gayundin na may sapat na mga tao at kagamitan ang hanay na nangunguna sa operasyon.
Handa ang Office of Civil Defense (OCD) na magpatupad ng forced evacuation sa Cordillera Region.
Ito’y bilang paghahanda sa papalapit na bagong bagyo sa bansa.
Ayon kay OCD Regional Director Ruben Carandang – mahigpit nilang ipatutupad ang force evacuation katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
Aniya, natuto na sila sa iniwang pinsala ng bagyong Ompong.
Sinabi naman ni Cordillera Regional Police Director, C/Supt. Rolando Nana – nasa 15 pamilya na ang boluntaryong lumikas matapos makitaan ng crack ang dalisdis ng bundok sa Sitio Posa sa Poblacion, Balbalan.
Nilinaw din ni Carandang na nananatiling nasa red alert status ang rehiyon.