PINANGANGAMBAHAN | Draft ng Memorandum of Understanding ng Pilipinas sa Kuwait, hindi mabibigyang proteksyon ang mga OFW

Manila, Philippines – Duda si ACTS OFW Rep. Aniceto John Bertiz sa draft ng Memorandum of Understanding na dapat ay lalagdaan ng Pilipinas at Kuwait para matigil na ang pag-abuso sa mga OFW.

Sinabi ni Bertiz na walang ngipin ang draft ng MOU at diskumpiyado siya kung mabibigyan talaga ng proteksiyon ang mga Pinoy na manggagawa sa Kuwait.

Puna ni Bertiz, ipinagbabawal dito na hawakan o itago ng employer ang passport ng OFW at pwedeng pagamitin ng employer ng cellphone ang OFW pero wala namang parusa sa employer na lalabag dito.


Hindi rin malinaw sa draft ng MOU kung ilang oras ang pahinga ng OFW, wala ring malinaw na probisyon kung ilang beses pakakainin ng employer ang OFW, walang probisyon para sa sick leave bagamat itinatakda na bibigyan ng medical treatment ang OFW kung magkasakit o masugatan ito habang nagtatrabaho.

Umaasa si Bertiz na maitutuwid pa ang nilalaman ng draft bago magkasundo ang Pilipinas at Kuwait na lagdaan ito.

Facebook Comments