Ayon kay Committee on Energy Chairman Senator Win Gatchalian walang dapat ipag-alala sa magiging epekto ng El Nińo sa power generation o paglikha ng enerhiya sa bansa.
Sabi ni Gatchalian, maari pang bumaba ng hanggang 78-centavos per kilowatt hour ang singil sa kuryente dahil maraming bagong powerplants at sapat din ang suplay ng kuryente.
Paliwanag ni Gatchalian, kahit bumaba pa ang output ng hydro powerplants basta’t hindi magkakaroon ng unscheduled breakdown ay magiging okay ang suplay ng kuryente hanggang sa hunyo o tag-ulan.
Sa pagdinig ngayon ng komite na pinamumunuan ni Gatchalian ay ipinaliwanag naman ni Department of Energy – Electric Power Industry Management Bureau Director Mario Marasigan na bagama’t mababawasan ang nililikhang kuryente ay magiging sapat pa rin ang suplay nito sa darating na mga buwan.
Diin pa ni Marasigan, walang magiging problema sa suplay ng kuryente hanggang matapos ang halalan sa Mayo.