Manila, Philippines – Naniniwala si House Majority Leader Rolando Andaya Jr., na isang makapangyarihang tao sa pulitika ang nasa likod ng tangkang pananambang sa kanya kahapon nang maghain siya ng certificate of candidacy sa pagka-Gobernador ng Camarines Sur.
Sa ipinadalang mensahe ni Andaya, hindi aniya maglalakas ng loob ang suspek na tangkain siyang barilin kung walang matibay na kinakapitan ito.
Aniya, lalabas din ang katotohanan at malalaman din kung sino ang nasa likod ng pananambang sa kanya.
Hawak na ngayon ng pulis ang isang miyembro ng Capitol Complex Security na kinilalang si Ray John Musa, 26 years old, na siyang nagtangkang barilin si Andaya habang naghahain ng COC sa Capitol Complex sa Pili, Camarines Sur.
Ayon kay Andaya, katatapos lamang niyang maghain ng kandidatura alas dos y medya kahapon nang lapitan ito ni musa mula sa likuran.
Nasalag ng kanyang mga close-in security ang suspek dahilan upang malaglag sa sahig ang kalibre 38 baril na may lamang limang bala at tuluyan itong maaresto.
Kinasuhan na ng attempted murder at paglabag sa ra 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek.