PINANINIWALAANG UNDERWATER DRONE, NAREKOBER SA KARAGATAN NG BOLINAO, PANGASINAN

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagkarekober ng isang pinaniniwalaang underwater drone na natagpuan ng mga lokal na mangingisda sa karagatan ng Bolinao, Pangasinan.

Ayon sa ulat, noong Agosto 6, 2025, habang nangingisda ang mga mangingisda sa layong tinatayang 149 nautical miles hilagang-kanluran ng Bolinao, kanilang napansin ang isang lumulutang na kulay kahel na bagay na kahina-hinalang kahalintulad ng isang underwater drone.

Pagbalik nila sa pantalan, agad nilang iniulat ang kanilang natuklasan sa Coast Guard Substation sa Infanta, Pangasinan, at nagsumite rin ng isang notarized affidavit upang ilahad ang mga detalye ng kanilang pagkakadiskubre.

Ang naturang kagamitan ay may sukat na humigit-kumulang 160 sentimetro ang haba, 20 pulgada ang lapad, at tinatayang may bigat na 100 kilo.

Isinuko na ito ng mga mangingisda sa mga kinauukulang awtoridad upang sumailalim sa masusing imbestigasyon at pagsusuri.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang pinagmulan at layunin ng naturang kagamitan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments