Manila, Philippines – Inihain ngayon ng Senate Minority group ang Senate Resolution No. 779 na nagsusulong ng imbestigasyon sa magkakasunod na paglapag ng Chinese military aircraft sa Davao City airport.
Target ng imbesigasyon na madetermina kung mayroong paglabag sa konstitusyon ang presensya ng dayuhang tropa sa bansa.
Layunin din ng gagawin pagdinig na malaman mula sa Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines kung may kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Chinese government kaugnay nito.
Sa pagkakaalam ng Senate minority group ay walang umiiral na tratado na nagbibigay pahintulot sa Chinese military aircraft na gamitin ang alinmang pasilidad sa ating bansa.
Ang grupo ng minorya ay binubuo nina Senators Leila de Lima, Bam Aquino, Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, Antonio Trillanes IV at pinamumuan ni Senator Franklin Drilon.