Manila, Philippines – Plano ni Senator Win Gatchalian na irekomenda ang pagblacklist sa J-Bros construction sa lahat ng proyekto ng gobyerno dahil umano sa panloloko.
Ang J-bros ang kontraktor ng kontrobersyal na proyekto ng Dept. of Health na pagtatayo ng 8.1-billion pesos na halaga ng 5,700 school-based barangay health stations pero 270 lang ang naitayo.
Sa pagdinig ng committee on Health na pinamumunin ni Senator JV Ejercito ay lumabas na nagsumite ang J-Bros ng mga larawan na nagpapakitang tapos na ang mga health centers pero ng ininspeksyon ng DOH ay hindi pa pala nagagawa.
Sa pagdinig ay itinanggi ng J-Bros Construction na sa kanila nanggaling ang nabanggit na mga larawan at sa halip ay idiniin ang DOH na syang may kasalanan dahil hindi nito natupad ang nakapaloob sa kontrata.
Ayon kay Atty. Julieanne Jorge ng J-Bros construction, hindi naibigay ng DOH sa itinakdang petsa ang mga lugar na pagtatayuan ng health stations, at hindi rin ibinigay sa kanila ang paunang kabayaran.
Katwiran pa ni Atty. Jorge, walang ring nagawang koordinasyon ang DOH sa mga lugar na pagtatayuan ng mga health centers at hindi rin nasunod ang tamang proseso.
Katwiran naman ng DOH, hindi nila ibinigay ang paunang singil ng DOH dahil bigo itong maitayo ang kahit 20-percent o 640 units ng phase 1 ng proyekto.