PINAPLANTSA NA | National Food Authority, isinasapinal na ang gagamiting mode of procurement sa panibagong importasyon ng bigas

Manila, Philippines – Pinaplantsa na nang National Food Authority ang gagamiting mode of procurement sa panibagong importasyon ng bigas.

Ito ay kasunod ng inanunsyo ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco na mayroon nang basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-angkat ng 250,000 metric tons ng bigas.

Ayon kay NFA director at Spokesperson Rex Estoperez, sa Lunes magkakaroon ng pagpupulong ang agency council na pinamumunuan mismo ni Secretary Evasco bilang Chairman para isapinal sa nakatakdang council meeting kung government to government o government to private ang paraan ng panibagong pagbili ng imported rice.


Paliwanag ni Estoperez na aabutin ng hanggang dalawang buwan kung government to private ang susunding pamamaraan habang tatlong linggo hanggang isang buwan na maximum naman kung government to government.

Sa G to G , gobyerno sa gobyerno na kung saang bansa na panggagalingan ng bigas ang mag-uusap habang bukas naman sa partisipasyon ang lahat ng kwalipikadong traders at suppliers kung government to private ang pipiliin.

Una nang sinabi ni Evasco na prone to corruption ang G to G batay na rin sa mga alegasyon noong nakalipas na mga panahon.

Pero sabi ni Estoperez, maari namang maglatag ng mga mekanismo para ito ay maiwasan.

Una nang pumutok ang balitang nagkakaubusan na ng suplay ng NFA rice sa merkado dahilan para ianunsyo ng palasyo na maari nang mag-import ng bigas sa Thailand, Vietnam Myanmar o hindi kaya ay sa Laos.

Facebook Comments