
Hindi muna magpapatupad ng tigil-pasada ang grupong LABAN TNVS matapos makakuha ng mensahe sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB para sa isang dayalogo.
Ayon kay Jun de Leon, presidente ng LABAN TNVS, inimbitahan mismo sila ni LTFRB Chair Vigor Mendoza II para sa isang konsultasyon kasama ang mga transport network company.
Ito ay may kaugnayan sa pagpataw ng LTFRB ng multa sa mga nagka-kansela ng booking na mga TNVS drivers at ang pagpapatupad ng bawas-singil sa surge prices.
Umaasa si De Leon na kakanselahin ng LTFRB ang pagpapataw ng multa sa mga TNVS drivers na nagkakansela ng booking lalo na tuwing rush hour gayundin ang pagpapatupad ng bawas singil sa surge prices.
Una rito, plano ng grupo na magsagawa ng tigil-pasada tuwing rush hour simula bukas, Disyembre 17 hanggang Enero 4 sa susunod na taon.








