Manila, Philippines – Kinondena ng nga senador ang pagpatay ng riding in tandem sa negosyanteng si Dominic Syntin na siyang nagtatag ng united auctioneer incorporated at kilalang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, plano nilang mga Senador na magpasa ng resolusyon na nagsusulong sa pambansang pulisya na tutukan ang kaso ng pagpatay kay Syntin upang makamit nito ang hustisya sa lalong madaling panahon.
Sa tingin ni Zubiri, makabubuti din na dagdagan pa ang police visibility para walang mga kriminal na makakusot katulad aniya kapag may malaking personalidad na bisita sa bansa at nagkalat ang mga alagad ng batas kung saan walang nangyayaring krimen.
Nanghihinayang naman si Senator Richard Gordon sa pagkamatay ni Syntin na kilalang makatao at tumutulong din sa Philippine Red Cross.
Pinuri naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, ang tahimik na pagtatrabaho ni Syntin para makatulong sa pag-unlad ng ating bansa at negosyo nito na malaki ang naitutulong sa mga maliliit na negosyante at sektor ng imprastraktura.