Manila, Philippines – Hindi umano totoong nakulong sa Hawaii si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ.
Ayon sa tagapagsalita ni Quiboloy na si Israelito Torreon – walang nilabag na batas sa Amerika at hindi totoong inaresto, nakulong at napa-deport ang pastor ng US authorities.
Sa paliwanag aniya ni Quiboloy, nagkaroon lamang ng ilang paglilinaw at may tinatanong lamang ang mga otoridad at pagkatapos noon ay napayagan na siyang makaalis.
No comment naman si Torreon sa tanong na kay Quiboloy ba ang mga pera at bahagi ng mga armas na nakuha sa private plane nito.
Maging sa interview ng RMN ay inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na “no comment” din si Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu na kinasasangkutan ni Quiboloy na kilalang kaibigan niya.
Sa ulat ng Hawaiinewsnow.Com, noong February 13 ay ininspeksyon ng mga tauhan ng Customs and border enforcement ng Hawaii ang Private Cessna Citation Sovereign na sinasakyan ng grupo ni Quiboloy.
Sa nasabing eroplano ay nakita ng mga otoridad ang malaking halaga ng pera na umaabot sa $350,000 cash na pagmamay-ari umano ni Felina Salinas, isang US citizen at ilang parte ng isang military-style rifle.