Manila, Philippines – Mariing itinanggi ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang post ni Davao City Mayor Sara Duterte kung saan sinabi umano ng speaker na bahagi na ng oposisyon ang alkalde matapos bumuo ng sariling regional party na hiwalay sa PDP-Laban.
Pinabulaanan din ni Alvarez na sinabi niyang siya ang speaker at kaya niyang i-impeach anumang oras ang Pangulo.
Giit ni Alvarez, hindi daw niya ito sinabi at hindi niya maaaring sabihin ang ganito laban sa pangulo at kay Mayor Sara.
Buo aniya ang kanyang suporta sa presidente at sa PDP-Laban.
Nilinaw din ni Alvarez na iginagalang niya ang desisyon ni Sara na bumuo ng hiwalay na partido.
Bukod sa ito ay non-issue naman, normal naman aniya na naglalaban-laban minsan sa pulitika kahit ang mga magkakapatid o magkakamag-anak.
Lubos umano ang kanyang paggalang sa hakbang na ito ni Mayor Sara.