PINASISIGURO | Matatag na presyo ng bigas, pinatitiyak ngayong kapaskuhan

Manila, Philippines – Pinatitiyak ni House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles sa National Food Authority na magiging matatag ang presyo ng bigas ngayong kapaskuhan hanggang sa matapos ang taon.

Iginiit ni Nograles na hindi dapat maapektuhan ng mataas na presyo ng mga bilihin ang presyo ng bigas lalo na ngayong holiday season.

Inirekomenda ng mambabatas na paigtingin ng NFA ang pamimili ng palay para masiguro na may sapat na stock na siyang magpapanatili naman na matatag ang presyo ng bigas.


Sinabi ni Nograles na sa average na 128,000 na sako ng bigas na inilalabas ng NFA sa araw-araw, posibleng ang stock na bigas ay aabot lamang hanggang sa October 12.

May 2.1 Million na sako ng bigas sa imbentaryo ng NFA hanggang nitong September 25.

Sakali namang mai-unload ang mahigit 3.1 Million na sako ng bigas na nasa barko ay pwedeng tumagal hanggang November 6 ang stock na bigas ng NFA.

Isa pa sa mga suhestyon ni Nograles ay dapat maiparating na sa bansa sa Nobyembre ang 250,000 metric tons na imported rice na inaprubahan ng NFA Council para masiguro ang suplay ng bigas hanggang sa kalagitnaan ng Disyembre.

Facebook Comments