Manila, Philippines – Iginiit ni Committee On Ways and Means Chairman Senator Sonny Angara sa pamahalaan na tiyakin ang tulong na ibibigay sa mga masasagasaan ng dagdag buwis sa langis sa susunod na taon.
Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang rekomendasyon ng economic managers na ituloy ang karagdagang excise tax sa langis sa 2019 na nakapaloob sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law.
Diin ni Angara, noon pa man ay nanawagan na siya sa pamahalaan na magbigay muna ng social mitigating measures sa ilalim ng TRAIN law bago ipagpatuloy ang dagdag buwis sa produktong petrolyo.
Kabilang sa mga programang ito ang unconditional cash transfer at subsidiya para sa mga transport sector.
Si Angara ay kabilang din sa 17 mga senador na sumulat sa pangulo para hilingin ang suspensyon ng dagdag buwis sa 2019.