Manila, Philippines – Pinabubusisi ng Senate Minority Bloc sa kinauukulang komite ang proclamation number 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapawalang bisa sa amnesty ni Senator Antonio Trillanes IV na ibinigay ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Nakapaloob ito sa senate resolution number 887 na inihain nina opposition Senators Trillanes, Bam Aquino, Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros, Leila de Lima at kanilang leader na si Senator Franklin Drilon.
Idiniin sa resolution na mali at mapanlinlang ang basehan ng kautusan ni Pangulong Duterte.
Target ng resolusyon na matukoy kung may pag-abuso ang Pangulo sa kapangyarihan at kontrol sa sandatahang lakas at pambansang pulisya para gipitin ang mga kritiko ng kanyang administrasyon.
Layunin ng resolusyon na makapaglatag ng panukalang batas na hahadlang sa hindi makatwirang paggamit sa kapangyarihan ng Pangulo.