PINASISIYASAT | “Operational lapses” sa pagkamatay ng Pulis-Pasay na nakipagbarilan sa suspek, pinaiimbestigahan ni PNP Chief

Manila, Philippines – Nagsasagawa na ngayon ng mas malalim na imbestigasyon ang Philippine National Police kaugnay sa pagkamatay ni Pasay City PNP Intellegence Section Chief SInsp. Manuel Taytayon, na napatay sa pakikipagbarilan sa isang puganteng suspek kamakalawa.

Siniguro ito ni PNP Chief PDG Oscar Albayalde sa pamilya ni Sinsp Taytayon, sa kanyang pagbisita sa burol ng bayaning pulis kaninang tanghali.

Nagdududa kasi ang pamilya sa pagkamatay ni Taytayon na nagtamo ng dalawang tama sa likod.


Paliwanag ng PNP chief, pinatitignan niya kung talagang naunahan ng suspek ang mga pulis, dahil normal lang aniya na instinct ng pulis na umatras at mag-cover kapag unang pinaputukan, kaya sa likod tinamaan si Taytayon.

Kumpirmado naman aniya ng ballistics test na sa baril ng suspek nanggaling ang mga slug na tumama sa likod ni Taytayon, at ito ang naging “fatal shots” na ikinamatay nito.

Pero meron pa aniya si Taytayon na dalawang tama sa katawan na hindi na recover ang slug kaya hindi pa malaman sa ngayon kung kaninong baril galing ito.

Ayon kay Albayalde, inutusan na niya ang NCRPO na imbestigahan kung nagkaroon ng “lapses” sa operasyon dahil maari aniyang nabuhay pa si Taytayon kung maaga itong nadala sa ospital.

Facebook Comments