Manila, Philippines – Target ni House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles na maibalik at taasan ang target na bilang ng mga maiilawan na sitio sa susunod na taon.
Sa pagkakabinbin ng budget hearing sa Kamara bunsod ng kalituhan sa cash based budgeting system at obligations based budgeting system, sinabi ni Nograles na bumaba ang bilang ng mga sitio sa mga probinsya ang mapaiilawan sa susunod na taon na nasa 775 na lamang mula sa kasalukuyang 1,817.
Dahil dito, sinuportahan ng mga electric cooperative groups ang paninindigan ni Nograles sa DBM na ipaglaban ang “people’s budget”.
Kaugnay dito, hinimok ni PHILRECA President Presley De Jesus na suportahan ng mga kongresista ang hakbang ni Nograles at ng House Committee on Appropriations na maibalik ang mga pondong itinapyas mula sa budget ng mga ahensya kagaya ng NEA (National Electrification Administration).
Ayon naman kay National Association of General Managers of Electric Cooperatives (NAGMEC) President Sergio Dagooc, hindi ito dapat tigilan ng Kamara hanggang sa pumayag na ang DBM na maibalik ang itinapyas na budget sa NEA.
Aabot sa P654 Million ang ibinawas sa budget ng NEA o P1.163 Billion na lamang mula sa kasalukuyang P1.817 Billion.