PINATATANGGAL | Excise tax sa fuel sa TRAIN law, pinaaalis

Manila, Philippines – Pinaa-amyendahan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang RA 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Sa inihaing House Bill 8369, ipinababasura ni Barbers ang Section 43 ng TRAIN Law o ang pagpapataw ng dagdag na excise tax sa fuel.

Kapag na-amyendahan ang TRAIN, otomatikong babalik sa itinatakdang rate ng National Internal Revenue Code ang excise tax sa mga produktong petrolyo at langis.


Ayon kay Barbers, bagamat may tax relief o pagbaba sa personal income tax ng mga taxpayers, bumabagsak pa rin sa mga minimum wage earners ang bigat ng epekto ng TRAIN.

Lalo na aniyang tumaas ang presyo ng langis na nakaapekto sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mas lalo pa itong tataas pagsapit ng 2019 at 2020 kapag naipatupad na ang mga susunod na tranche sa excise tax.

Hindi din aniya ngayon maramdaman pa ang social benefits na nakapaloob sa TRAIN Law tulad ng unconditional cash transfers, fuel vouchers, fare discounts, murang NFA rice at free skills training dahil sa hinihintay pa ang implementasyon ng National ID system.

Facebook Comments