PINATATAWAG | Governor Imee Marcos at Ilocos 6, ipinapa-subpoena muli ng Kamara

Manila, Philippines – Ipapatawag muli ng House Committee on Good Government
and Public Accountability sina Ilocos Norte Gov. Imee Marcos at ang anim na
opisyal ng provincial government ng Ilocos Norte.

Ito ay kaugnay pa rin sa imbestigasyon ng Kamara tungkol sa iregular na
paggamit sa tobacco excise tax.

Sa pagbabalik ng sesyon pagkatapos ng bakasyon ng mga kongresista para sa
Mahal na Araw ay pinahaharap sa Mayo 21 sina Gov. Marcos at ang Ilocos 6 na
sina Eden Battulayan, Engr. Pedro Agcaoili, Evangeline Tabulog, Josephine
Calajate, Encarnacion Gaor, and Genedine Jambaro.


Ang imbestigasyon ay partikular na sesentro pa rin sa tobacco tax
collection at iregular na cash advances mula 2006 hanggang 2016.

Ayon kay Anakpawis Rep. Ariel Casilao, mas malawak ang sakop ng kanilang
imbestigasyon kumpara sa naunang pagsisiyasat ng Kamara na sumentro lamang
sa 66.4 Million tobacco funds na ginamit pambili ng buses at multicabs ng
lokal na pamahalaan.

Sinabi naman ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na umabot sa P294 Million
ang cash advances ng provincial government ng Ilocos Norte mula 2006
hanggang 2016 at ginamit ang pera bilang supplement fund sa ibang programa
o proyekto na kukulangin ang pondo.

Pero sa ilalim ng COA Audit Circular 97-002, ang cash advances ay
pinapayagan lamang kung ito ay gagamitin para sa sahod, honoraria,
allowances, at petty operating expenses.

Facebook Comments