Manila, Philippines – Pinatitiyak ni House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles sa National Food Authority ang prepositioning ng suplay ng bigas sa mga lalawigan na direktang matataamaan ng bagyong Ompong.
Giit ni Nograles, dapat na kumilos na ang NFA sa prepositioning ng bigas lalo na mga malalayong probinsya na mahirap na maabutan ng tulong lalo na tuwing may bagyo.
Sinabi pa nito na ang pagbibitiw sa pwesto ni Jason Aquino bilang Administrator ng NFA ay hindi dapat na magligaw ng atensiyon ng ahensya sa mga prayoridad nito lalo na ngayong may nagbabantang kalamidad.
Dapat ding masiguro na mailalagay ang suplay ng bigas sa ligtas na lugar upang hindi masira kapag nanalasa ang bagyo.
Tiniyak na ng NFA na may handa itong suplay ng bigas para sa emergency at relief operations at sa katunayan ay may 750,000 na sako na ng bigas ang ahensiya sa ibat ibang warehouse sa Luzon habang 2.2 million na sako naman ng bigas ang para sa pangangailangan ng buong bansa.