Manila, Philippines – Hinikayat ng National Food Authority ang publiko na tumulong na rin sa pagbabantay laban sa sinumang magsasamantala sa bentahan ng murang NFA rice.
Ayon kay NFA Administrator Jason Aquino, ngayong sinimulan na ang distribusyon at may presensiya na sa iba’t ibang pamilihan ng tone-toneladang bigas na binili mula sa Vietnam at Thailand malaking tulong kung katuwang ang publiko.
Aniya, sa market monitoring, hindi sapat ang kanilang mga tauhan para bantayan ang lahat ng accredited retailers ng government-subsidized rice sa buong bansa.
Sabi pa ng opisyal, sakaling may mga impormasyon sila patungkol sa mga iligal na gawain ay agad aniyang isumbong sa kanila sa pamamagitan ng pagtawag sa Hotline 8888 at inaasahang aaksyunan ito ng ahensya sa loob ng 72 oras.
Kaugnay nito, muling iginiit ng pamunuan ng NFA na hindi nila kokonsintihin ang mga karaniwan ng iligal na aktibidad sa bentahan ng murang bigas gaya ng diversion, rebagging at adulteration para pagkakitaan ang mga benepisiyaryo nito na mga low income at mahihirap na pamilya.