Manila, Philippines – Kinalampag ni Deputy Majority Leader Ron Salo ang gobyerno na tulungan ang mga OFW na naaresto nito lamang nakaraang Linggo dahil sa isinagawang Halloween Party sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ayon kay Salo, walang ibang pwedeng makatulong sa mga OFWs kundi ang gobyerno lamang ng Pilipinas.
Partikular na pinakikilos ang DFA at DOLE na magbigay ng lahat ng kinakailangan na legal assistance sa mga OFWs na posible pa ring maharap sa paglabag sa Shari’a Law kahit pa nakalaya na ang mga ito kahapon.
Dahil sa nasabing insidente, hiniling ng kongresista ang pagkakaroon ng pre-departure orientation seminars (PDOS) kung saan ituturo dito ang mga dapat at hindi dapat gawin sa bansa ng destinasyon.
Mahalaga din na bago makapasok sa ibang bansa ang isang OFW ay mayroon itong kit na naglalaman ng listahan ng mga do’s and don’ts bilang paalala sa paggalang sa kultura at tradisyon ng isang bansa.
Pinakikilos din ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) na palaging ipaalala sa mga Pilipino ang norms at behavior ng bansang pupuntahan upang maiwasan ang anumang paglabag.