Manila, Philippines – Pinauuwi na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng Overseas Filipino Workers (OFW) sa Kuwait.
Ito ay sa gitna ng tensiyon ng Pilipinas at Kuwait dahil sa pagpapalabas ng video ng kontrobersiyal na rescue operation sa mga distressed OFW sa naturang bansa.
Sa kanyang pagharap sa Filipino community sa Singapore, hinimok nito ang nasa 260,000 Pilipinong manggagawa na sa Pilipinas na lamang magtrabaho.
Nanawagan ang Pangulo ng patriyotismo sa mga highly skilled workers dahil marami namang trabaho sa bansa na naghihintay sa kanila.
Pero nagpapasalamat pa rin ang Pangulo sa Kuwait sa ilang taong tulong nito sa mga OFW.
Handa si Duterte na mangutang para lang mapauwi ang mga OFW doon.
Titingnan din aniya niya ang limang bilyong pisong tulong na inilaan ng China para gamiting pondo para sa repatriation ng mga Pilipino roon.