Manila, Philippines – Pinababasura muli ni dating Senador Jinggoy Estrada ang kinaharap nitong mga kasong plunder at graft dahil sa pagkakadawit nito sa multibillion peso pork barrel fund scam.
Sa siyam na pahinang ‘second supplement to the petition for certiorari’ na inihain sa Korte Suprema, pinawawalang-bisa ni Estrada sa Kataas-taasang Hukuman ang dalawang resolusyon ng Office of the Ombudsman noong 2014 kung saan nakitaan ng probable cause para siya ay kasuhan sa sandiganbayan.
Nanindigan si Estrada na biktima siya ng selective justice ng ombudsman at political persecution dahil sa pagiging miyembro ng oposisyon sa administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ipinagdarasal ni Estrada na kakatigan na siya ng korte at mababasura ang mga kaso laban sa kanya.