Pinay DH, nalunod sa beach sa HK

COURTESY: AROUND DDB

Nasawi sa pagkalunod ang isang 25-anyos na overseas Filipino worker (OFW) habang lumalangoy sa beach sa Tuen Mun, Hong Kong, nito lamang Lunes, Hulyo 1.

Kinilala ang biktimang nalunod sa Butterfly Beach na si Jenny L., nagtatrabahong domestic helper (DH).

“We consider this as a case of ‘body found,’” ani spokesperson ng pulisya sa lugar.


Dagdag ng awtoridad, walang nakitang kahina-hinala sa pagkamatay ni Jenny.

Gayunpaman, magsasagawa pa rin ng autopsy upang matukoy ang opisyal na sanhi ng pagkamatay ng biktima.

Ayon sa salaysay ng iba pang saksing OFW na nasa lugar din dahil holiday sa HK nang araw na iyon, napansin na lang nila ang naiwang gamit ng biktima.

Sa tagal na walang tumao sa mga gamit, ipinagbigay-alam nila sa lifeguard, na agad namang hinanap ang nagmamay-ari ng gamit.

Inakala pa nilang false alarm ito dahil may nakitang lasing na babaeng natutulog sa banyo na pinaghinalaang may-ari ng mga naiwang gamit.

Bandang alas-8 ng gabi nang matagpuan sa tubig, malapit sa shark prevention net, ang katawan ng DH.

Walang malay na isinugod ang biktima sa ospital kung saan idineklara itong patay na.

Tatlong buwan pa lamang mula nang dumating sa Hong Kong ang Pinay.

Facebook Comments