MANILA, PHILIPPINES – Pinahintulutan na ng Nueva Ecija Regional Trial Court (RTC) ang prosekusyon na kunin ang pahayag ng convicted drug trafficker na si Mary Jane Veloso.
Sa resolusyon na inilabas ni Hon. Anarica Castillo-Reyes, itinakda na sa april 27, 2017 ang pagdinig ng prosekusyon sa testimonya ni Veloso.
Ayon sa abogado ni Veloso at Presidente ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) na si Atty. Edre Olalia, mangangahulugan ito na maari nang gawing ebidensya sa korte ang buong storya ni Veloso laban sa kaniyang mga illegal recruiters.
Gaganapin ito sa Yogyakarta prison, kung saan magsisilbing observer si Judge Castillo-Reyes, na dadaluhan rin ng mga abogado ng NUPL, state prosecutors mula sa Department of Justice, mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs at mga abogado ng kaniyang recruiters.
Dagdag pa ni Olalia, malaki ang maitutulong nito para kay Veloso at sa kaniyang pamilya na kikilalanin ng korte dito sa Pilipinas ang mga bibitawan nitong testimonya.
Umaasa naman ang pamilya Veloso na wala nang makakahadlang pa sa prosesong ito.