Pinay, naharang sa NAIA dahil sa ginamit na pekeng pasaporte na nabili ng ₱700-K sa TikTok

Ipinasakamay na ng Bureau of Immigration (BI) sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para matulungan ang isang Pinay na naharang sa paliparan matapos gumamit ng pekeng pasaporte na umano’y nabili sa TikTok.

Ang Pinay na biktima ng trafficking ay kinilalang si Josephine na mayroong Belgian passport at tinangkang tumulak sa Ercan, Cyprus sa pamamagitan ng Kuwait Airlines Flight gamit ang pekeng pasaporte.

Sinabi ng biktimang naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 na mula Kuwait ay tutungo sana ito sa Izmar, Turkey.


Pero naobserbahan ng mga immigration officers ang ilang inconsistencies o hindi pagpapatugma sa passport at arrival stamps ng biktma.

Kaya naman agad itong iniakyat sa duty supervisor na siya namang nagsumite sa mga dokumento para isalang sa forensic screening.

Dito kinumpirma ng BI forensic documents laboratory na ang passport, residence card at immigration stamps ni Josephine ay peke.

Inaresto naman ito bilang illegal alien matapos ipilit na siya ay Belgian sa kabila nang pag-amin nitong mayroon siyang Philippine passport at dati na ring Overseas Filipino Worker (OFW) sa Israel.

Lumalabas na na-deport na ang biktima mula Israel ngayong taon lamang dahil sa pagtatrabahong walang valid visa pero nakita raw niya sa Tiktok video na may nag-o-offer ng European Union (EU) passports para makapabiyahe sa maraming bansa kahit walang visa.

Inamin nitong nagbayad siya ng ₱700,000 para sa mga pekeng dokumento matapos pangakuang magtrabaho sa Greece bilang caregiver na sasahod ng ₱180,000 kada buwan.

Facebook Comments