Cauayan City, Isabela- Magkahalong takot at kaba ang nararamdaman ng ilang Pinoy sa bansang Israel matapos ang nagaganap na pagpapasabog ng mga Hamas sa Gaza City.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Teresa Vicente, isang OFW sa Israel, bagama’t kilometro ang layo ng pagsabog ng mga missile ay ramdam umano ang lakas ng pagsabog sa gusali kung saan ito naninirahan.
Ayon sa OFW, nasa 200 missile ang tumatama malapit sa kanilang lugar mula sa 1,000 missile na pinasabog ng mga militanteng Hamas.
Ikinuwento pa ng Pinay na may kasamahan itong caregiver na tinamaan ng missile at namatay gayundin ang mismong inaalagaan nitong matanda ay hindi nakaligtas sa pagpapasabog.
Inihanda na rin umano ni Vicente ang kanyang sarili sakali man na magkaroon ng hindi inaasahang pangyayari sa kanya.
Isang gabi, halos hindi na nila alam ang gagawin dahil sa magkakasunod na pagsabog ang kanilang naramdaman sa kanilang lugar.
Naging pansamantalang tirahan ng mga residente at Pinoy sa Israel ang Bomb Shelter kung saan ligtas sila mula sa nangyayaring pagsabog.
Kaugnay nito, hindi umano sila pinababayaan ng gobyerno ng Israel sa nagaganap na pagsabog.