Sa 133 overseas Filipino worker (OFW) na gumaling sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), isa na rito ang nurse na si Arlou Anne Klein Manganti-Marsal na naka-destino ngayon sa France.
Nitong Lunes, ikinuwento ni Klein sa press briefing ng Laging Handa ang naging karanasan simula nang dapuan ng sakit hanggang sa tuluyang malabanan ito.
“Do not underestimate this coronavirus. From my experience, hindi siya ganun kadaling i-beat,” saad ng nurse.
“Ganu’n pala kahirap huminga. Parang mag-move ka lang, hindi ka makapag-move kasi uubuhin ka. Hindi ka makakagalaw nang masyado. Pupunta ka lang sa toilet, hindi mo kaya na walang oxygen,” pagpapatuloy ng kababayan.
Maliban sa lagnat, ubo, at sakit ng ulo na nararamdaman ng pasyente, unti-unti rin pahihinaan ng virus ang respiratory system nito.
Ayon kay Marsal, kinakitaan siya ng sintomas matapos alagaan ang tatlong indibidwal na positibo sa COVID-19.
Nalaman niya raw na tinamaan siya ng nakakahawang sakit noong Marso 24.
“I really suffered during that time. So please huwag po kayong matigas ang ulo. We have to respect the law. We have to abide and it’s for our safety,” aniya.
Maliban sa pagpapagamot, nakatulong din sa kaniyang pagre-recover ang taimtim na pagdadasal.
Bagaman walang ipinatupad na lockdown sa France, sinabi ni Marsal na kailangan muna nilang magpakita ng explanation letter kung bakit sila lalabas ng bahay.
Sa huling datos na inilabas ng Department of Foreign Affairs (DFA), 535 na OFW ang kumpirmadong dinapuan ng COVID-19 at 55 sa kanila ang binawian ng buhay.
Nasa 347 naman ang sumasailalim sa matinding gamutan.