Humarap sa korte ang isang Pilipina, at isang lalaking Nepali sa Hong Kong, kasunod ng paratang sa dalawa na sangkot umano sa drug trafficking.
Kinilala ang Pinay na si Ivy Joy Bolante, at Nepali na si MD Golam Kibrea, na parehong nasa kustodiya at pinababalik sa Agosto para sa pagdinig na ililipat sa District Court, ayon sa The Sun HK.
Sumubok naman ang panig ni Bolante na muling makapagpyansa ngunit hindi ito pinayagan ng korte.
Nauna nang ipinagpaliban ng prosekusyon ang kaso para sa pagsusuri ng DNA at fingerprint ng dalawang nasasakdal.
Ngunit base sa ulat, walang fingerprint ang parehong suspek sa package ng mga drogang ipinaparatang sa kanila.
Wala rin umanong criminal record si Bolante at Kibrea.
Hinihintay pa ng prosekusyon ang resulta ng DNA test.
Hindi naman isiniwalat ng korte ang iba pang detalye ukol sa kaso gaya ng halaga ng droga at visa status ng dalawang akusado.