Pinay YouTuber na si Mika Salamanca, inaresto sa quarantine violation sa Hawaii

Mika Salamanca

Inaresto ang vlogger at singer na si Mika Salamanca matapos lumabag sa 14-day mandatory quarantine para sa mga turista o bumalik na residente ng Honolulu, Hawaii.

Sa ulat ng KITV4 Island News noong Biyernes, dinakip ng Hawaii Tourism Authority ang 20-anyos “social media influencer”, nang malamang lumabas sa pampublikong lugar apat na araw pa lang makaraang dumating sa Honolulu mula Manila noong Hulyo 6.

Nakarating umano sa awtoridad ang mga TikTok video ng vlogger na sumasayaw sa isang pamilihan at kumakain kasama ang ilang kaibigan.


Nauna nang naglabas ng apology video noong Huwebes si Salamanca matapos batikusin ng netizens.

Aniya, “Inaamin ko po na nagkamali ako noong time na dumating ako dito sa Hawaii at agad po kaming lumabas.”

Depensa pa ng vlogger, “As far as I can remember na-settle na namin ‘yun… ‘Yung mga law enforcers po, pinuntahan po nila ako sa bahay kung saan ako nagka-quarantine. Sila po mismo nagsabi sakin na, ‘You’re not in trouble. If you’re negative, you can go out.'”

Subalit sa isang pahayag sa KITV, pinasinungalingan ni Hawaii Attorney General Clare Connors na may ganoong impormasyong inilalabas ang awtoridad.

“None of my investigators would convey that information, as it is incorrect,” giit ni Connors.

Dagdag niya pa, “The fact that Ms. Salamanca has so many followers makes her actions that much more dangerous and concerning. The spread of misinformation can have very severe consequences during an emergency situation like we are in now.”

Ayon sa ulat, nakalabas sa kulungan si Salamanca matapos piyansahan ng mga kaanak ng $2,000 (halos P98,000).

Facebook Comments