PINAYUHAN | Dating Senate President Nene Pimentel, pinababalik nalang si Uson sa entertainment industry

Manila, Philippines – Pinayunan ni dating Senate President Nene Pimentel si Communications Assistant Secretary Mocha Uson na bumalik nalang sa entertainment industry at magsasayaw.

Ito ang sinabi ni Pimentel matapos ang ilang viral video ni Uson na naglagay umano sa kahihiyan sa pamahalan at sa isinusulong na pagpapalit ng porma ng pamahalaan patungo sa Federalismo.

Sa Federalism briefing sa Malacañang ay sinabi ni Pimentel na dapat ay wag nalang makisali si Uson sa usapin na hindi naman nito naiintindihan.


Paliwanag pa ni Pimentel, dapat ay hindi na sumawsaw si Uson sa issue dahil nakakagulo lang lalo pa kung nahahaluan ng ibang paliwanag dahil nagsasayang ng oras at iresponsable ang mga sinasabi ni Uson patungkol sa Federalismo.

Ito aniya ang dahilan kaya mas magandang bumalik nalang si Uson sa Entertainment industry at magsayaw.
Binigyang diin ni Pimentel na bilang isang opisyal ng Pamahalaan ay dapat nagiging maingat ang mga ito sa pagsasalita.

Samantala, sinabi naman ni Atty. Rodolfo Robles na miyembro ng Consultative Committee na siyang bumuo sa draft ng Federal Constitution na mayroon namang positibong epekto ang ginawa ni Uson dahil napagusapan ang Federalismo sa mga lalawigan.

Facebook Comments