Manila, Philippines – Pinayuhan ng mga Kongresista mula sa Magnificent seven si Pangulong Duterte na mag-focus na lamang sa maayos na pamamahala sa halip na ipilit ang pagpapalit ng Konstitusyon.
Ito ay matapos lumabas sa pinakahuling Pulse Asia Survey na bumaba ng 14 points o 23% ang mga pabor sa Charter Change mula sa noon ay 37% habang ang mga ayaw sa Cha-cha ay tumaas ng 20 puntos o mula 44% ay nasa 64% na.
Ayon kay Akbayan Rep. Tom Villarin, patunay na ang lumabas na resulta ng survey ay paawagan na rin para pagbutihin na lamang ng Pangulo ang kanyang pamamalakad sa bansa sa halip na i-pilit ang chacha na 49% lamang ng mga Pilipino ang nakakaalam.
Pinuna naman ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano na sa halip na bigyang kaalaman ang publiko sa Cha-cha ay dinadaan sa takot ang pagbibigay suporta dito.
Dagdag naman ni Caloocan Rep. Edgar Erice, bagamat kinikilala naman niya na may mga dapat na amyendahan sa Saligang Batas pero naiintindihan niya rin na malaking dahilan ang hindi pagtitiwala ng publiko lalo na sa mga prime-movers ng Cha-cha sa Kongreso.