Ping: Batas para sa proteksyon ng OFW kapos

Sa kabila ng mga ipinapasang batas ng Senado para protektahan ang ating mga overseas Filipino worker (OFW), sinabi ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na malaking hadlang pa rin ang kakulangan sa implementasyon kaya hindi ito ganap na maramdaman.

Ito ang tugon ng presidential candidate sa tanong kung paano niya mapangangalagaan ang karapatan ng mga OFW, sakaling mahalal na susunod na pangulo ng bansa sa May 2022 elections.

“Mayroon na tayong naipasa, ‘di ba, ‘yung department para sa mga OFW. Again, departamento ito, ang kailangan lang dito execution [o] implementasyon. ‘Pag ito’y nagkaroon na naman—nahaluan na naman ng kalokohan, wala nang mangyayari. Sayang ‘yung batas na ipinasa ng Kongreso,” lahad ni Lacson.


“Madaling gumawa ng batas pero ang problema pagka sa execution doon nagkakaloko-loko e,” dagdag ni Lacson na tinutukoy ang mga batas na kanilang binuo at isinulong bilang mambabatas para sa kapakanan ng lahat ng sektor sa bansa.

Sinabi rin ng chairman ng Partido Reporma na magiging prayoridad niya bilang pangulo, kung mabibigyan ng pagkakataon, ang pagpapalakas ng ekonomiya at hanapbuhay upang hindi na piliin ng ating mga kababayan na mangibang-bayan para kumita.

“Dapat mawala ‘yung kaisipang kailangang mangibang bansa para kumita ng pera. Dapat nandito ‘yung ating kabuhayan, dapat nandito sila hangga’t maaari,” aniya.

Malaki ang kumpiyansa ni Lacson na magagawa niya ang mga pangakong ito dahil sa kanyang 18-taong karanasan sa pagbuo ng mga batas at pagiging guwardiya ng pambansang badyet laban sa mga magnanakaw sa pamamagitan ng pagbusisi sa mga maanomalyang transaksyon ng mga tiwali sa gobyerno.

“‘Yung mga ipinapangako ng ibang mga tumatakbo, ginawa ko na e, at saka ginagawa ko na ngayong ako’y isang mambabatas. Sayang naman kung hindi ko iaambag ‘yung aking experience, ‘yung aking competence, ‘yung aking track record na napag-aralan sa napakahabang panahon,” sabi pa ni Lacson.

Facebook Comments