Ping: Buhay ng Pinoy, gagaan kung OK pondo sa kalusugan

Pagpapalakas sa sektor ng kalusugan sa pamamagitan ng ganap na pagpapatupad ng Universal Health Care Act ang isasagawa ni Partido Reporma Chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson sa ilalim ng kaniyang pamumuno kung siya ang magiging susunod na pangulo ng bansa.

Aniya, para mapagaan ang buhay ng mga Pilipino na patuloy na naghihirap ngayong dalawang taon nang nakikipaglaban ang bansa sa pandemya ng COVID-19, mahalaga na maglaan ng sapat na pondo upang matustusan ang pangangailangan ng mga mamamayan sa mga serbisyong medikal.

“Ang unang pangangailangan natin talaga sa kalusugan. ‘Yung Universal Healthcare, ipinasa namin ‘yan [noong] 2018 e. Hanggang ngayon, nandoon pa rin tayo sa low-cost na level—kasi tatlo ‘yan e: low-cost, medium-cost, at saka high-cost,” tugon ni Lacson sa tanong ng Bombo Radyo nitong Huwebes ng umaga, kung ano ang pinaka-kailangan ng mga Pilipino sa kasalukuyan.


Pero sa kabila ng pagpasa ng nasabing Batas Republika 11223 o Universal Healthcare Act, hindi pa rin ito ganap na naipatutupad dahil sa kakulangan ng inilalaang pondo ng pamahalaan.

“Ang laki-laki naman ng ating national budget and yet ang pangangailangan diyan para mapunuan ang pangangailangan, P257-billion nang sa ganoon bawat isang tao, isang pasyente o isang (hospital) bed, pwede itong mag-accommodate hanggang 800 sa population—1 is to 800,” ayon kay Lacson.

Dagdag ng batikang mambabatas, kung maibibigay ang nasabing pondo, matutulungan nito ang lahat ng mga barangay na nagbibigay ng direktang serbisyong medikal sa ating mga kababayan.

Pangako ng presidential candidate ng Partido Reporma, na kilalang tagapagbantay ng mga anomalya sa pambansang badyet, aayusin niya ang sistema sa paggastos ng pera ng bayan upang maibaba sa mga Pilipino ang mga kinakailangang serbisyo sa kalusugan, edukasyon, agrikultura, at iba pa.

Gagawin ito ni Lacson, kasama ng kaniyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa pamamagitan ng isinusulong nilang programa na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE).

Layunin ng tambalang Lacson-Sotto na ‘Ayusin ang Gobyerno at Ubusin ang Magnanakaw’ sa ilalim ng kanilang pamumuno tungo sa mas maayos na buhay ng bawat Pilipino. ###

Facebook Comments