Ping: Fake news, nakakatawa pero lahat nabibiktima

Mayaman o mahirap man ay nabibiktima ng fake news, pero para kay Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson, mas nakakalungkot ang reyalidad na kung minsan ay tinatawanan na lang ito ng maraming Pilipino at hindi pinapapanagot ng mga nasa gobyerno.

“Minsan natatawa na lang tayo sa sarili natin pero naiinis na rin tayo sa sarili natin na bakit ‘yung fake news ang nangingibabaw, ‘yung proliferation ng mga trolls, at lahat na sama-sama na,” ani Lacson.

Paghikayat ni Lacson sa mga Pilipino, dapat ay maging mapanuri at huwag agad maniniwala sa mga nababasa at lumalabas na impormasyon sa social media.


“Pare-pareho tayong biktima ng fake news at saka disinformation, Jessica. So, dapat mamulat ‘yung ating mga kababayan. Maging discerning on our own sa sariling galaw natin,” sabi ni Lacson sa broadcast journalist na si Jessica Soho sa ginanap na presidential interview nitong Sabado.

Sinabi ng presidential candidate na kabilang sa kanyang mga aayusin sa pamahalaan kung siya ang pipiliin ng mga botanteng Pilipino ay ang pagkakaroon ng repormang digital upang maresolba ang pagkalat ng fake news, misinformation o pagkalat ng maling impormasyon, at disinformation na ang intensyon ay siraan ang pagkatao ng iba.

“Dapat ‘yung ating pamahalaan merong control mechanisms at saka talagang dapat habulin ‘yung nagpapakalat ng fake news. Kasi minsan ‘yung fake news pagka inulit nang inulit [ay] nagiging totoo na,” aniya.

Una rito, hinimok ni Lacson ang mga netizen na alamin muna ang buong kuwento sa likod ng mga nag-vi-viral na kaso sa social media, partikular ang nangyari sa kaso ni Lolo Narding Flores at Robert Hong na kapwa naging biktima sa kaso ng ‘ninakaw’ diumanong mangga sa Pangasinan.

Aniya, si Flores na isang biktima ng kahirapan, ay nakuha ang simpatya ng publiko dahil sa pagnanakaw umano ng P12,000 halaga ng mangga sa loteng binabantayan ni Hong na siyang naghain ng kaso laban sa matanda.

Pero dahil dito, binantaaan at nakatanggap pa ng masasakit na salita si Hong mula sa mga netizen na hindi alam ang buong kuwento.

“This should also be an eye-opener for us. On social media, things may not always be what they seem at first glance,” payo ni Lacson sa publiko. Nangako ang tanggapan ng mambabatas na tutulungan sina Flores at Hong upang maaayos ang kanilang kaso.

Facebook Comments