Para matiyak ang sigla ng ating demokrasya, sinabi ni Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na mahalagang mabigyan ng kalayaan ang mga mamamayan upang pumili ng susunod na hanay ng kanilang mga lokal na pinuno.
Inihayag ni Lacson ang posisyon niya hinggil sa eleksyon para sa pinakamaliit na unit ng ating gobyerno na matagal nang naudlot sa isang town hall forum kamakailan.
Aniya, nararapat lamang na gawin na ang mga paghahanda para sa halalan sa barangay na nakatakda sa Disyembre 5 ngayong taon.
“Alam niyo ilang beses nang na-postpone ang barangay elections. Baka naman panahon na para ituloy na natin nang sa ganoon magkaroon na ng malayang pagpili ang ating mga kababayan kung sino ‘yung gusto nilang maging punong barangay,” sagot ni Lacson sa tanong ng isang taga-Maddela, Quirino.
“Dahil parang kung walang eleksyon, wala tayong choice, ‘di ba, dahil na-extend nang na-extend ‘yung termino ng ating mga barangay chairman. So, panahon na siguro para ito… Although medyo may gastos ang eleksyon pero pwede naman nating bigyan ng kaukulang pondo,” dagdag niya.
Ayon sa presidential candidate, hindi isyu ang pondo para tustusan ito dahil maaaring ilipat ang hindi nagamit mula sa 2022 national budget para sa pagsasagawa ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
“Laging iniisip ko ‘yung democratic process at saka ‘yung malayang pagpili ng ating mga mamamayan sa mga mamumuno sa kanila. So, kung tatanungin ninyo, dapat siguro huwag na nating i-postpone, ituloy na natin ang barangay election,” pagbibigay-diin ni Lacson.
Orihinal na itinakda noong Nobyembre 2016 ang eleksyon para sa mga posisyon sa Barangay at SK ngunit ipinagpaliban ito at inilipat sa ibang mga petsa—mula Mayo 2018, Mayo 2020 hanggang Disyembre 5, 2022—kasunod ng pag-apruba sa mga batas na nagpapaliban nito.
Noong Nobyembre 2021, isa pang panukalang batas mula sa isang miyembro ng Mababang Kapulungan ang naglalayong iurong muli ang barangay elections sa Mayo 6, 2024. Gayunman, walang naiulat na kaparehong hakbang na inihain sa Senado. #