Ping: Mga Pinoy pakitain ngayong Pasko, produkto naman nila tangkilikin

Ngayong nalalapit ang Kapaskuhan, isinusulong ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson ang pagbili ng mga produkto na gawa sa Pilipinas bilang isa sa mga solusyon para makontrol ang inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kumita naman ang mga lokal na negosyo.

“Kanina nanonood ako sa isang balita tungkol sa pamamalengke, tungkol sa pag-sho-shop doon sa mga laruan para sa Christmas, e ‘pag tiningnan mo puro ‘Made in China.’ E kaya naman naman ng mga ano natin ‘yan,” sabi ni Lacson sa Meet the Press forum nitong Huwebes.

Binigay pa na halimbawa ng mambabatas ang kaso ng pagbili ng mga face mask sa Pharmally Pharmaceutical Corp. Aniya, “‘Yung face masks kayang gawin dito pagkatapos ang pinanalo natin ‘yung mga ‘Made in China?’ So paano tayo talagang makakaahon niyan?”


Paliwanag ni Lacson, sa ganitong paraan talagang tataas ang inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil ang magdidikta ng presyo ay ang mga nag-ma-manufacture at nag-e-export para sa atin.

Sabi pa ng presidential bet ng Partido Reporma, kailangang paigtingin ang mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) at manufacturing sector sa bansa para tayo naman ang mage-export.

“From import-dependent country gawin nating export-oriented naman tayo. Tangkilikin natin ‘yung ‘Made in the Philippines’ na mga produkto at saka ‘yung itinanim sa Pilipinas,” sabi pa ni Lacson.

Aniya, “Kasi kung masyado tayong dependent sa importation, maski ‘yung ating mga sariling gulay, sarili nating agricultural product ay hindi natin maaawat ‘yung—o wala tayo masyadong control doon sa presyo ng mga bilihin. So, ang nangyayari, ‘yung inflation tumataas.”

Facebook Comments