Ping: Pilipinas unti-unti nang aahon sa COVID-19

Positibong senyales para kay Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ang desisyon ng mga ahensya ng pamahalaan para simulan na ang paglilipat mula pandemya patungo sa endemic na sitwasyon habang patuloy ang paglaban sa COVID-19 ngayong Pebrero, batay sa mga lumalabas na ulat.

Sinabi ni Lacson na laging laman ng kanyang dasal para sa bansa ang manumbalik ang pamumuhay ng mga Pilipino sa normal sa kabila ng nagpapatuloy na SARS-CoV-2 virus at mga variant nito, gayundin ang pag-asa na magiging mas maayos ang sitwasyon.

“Ang iniisip natin sana maging matiwasay, maging maayos, lalo na ‘yung sitwasyon sa pandemya, sa Omicron, ‘yung COVID-19. Maganda ‘yung move ngayon, kasi pinag-aaralan na ng pamahalaan na kung saan bumalik na tayo, itrato na lang nating endemic sa halip na pandemic,” sabi ni Lacson.


Kung masasanay na ang mga Pilipino na mamuhay sa kabila ng laganap na hawaan ng COVID-19, at mas marami pa ang mahihikayat na magpaturok ng bakuna at booster shot kontra sa virus, hindi na kakailanganin ang mas mahihigpit na lockdown at limitasyon sa pagbiyahe.

Magandang balita ito lalo na sa mga Pilipino na may maliliit na negosyo at iba pang apektadong sektor na sinusubukan pa ring bumangon mula sa dalawang taong pagkalugmok dahil sa pandemya, ayon sa presidential candidate ng Partido Reporma.

“Pagka kasi endemic na lang, mabubuhay na ‘yung ating… Makaka-recover na ‘yung ating ekonomiya. Kasi ito talaga ‘yung nagkaroon ng hagupit sa loob ng dalawang taon. So, panahon na, bigyan naman natin ng break ‘yung ating ekonomiya para maka-recover,” saad ni Lacson.

Sa mga nakalipas na araw, unti-unti nang bumababa ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa, base sa pinakahuling pag-aaral ng OCTA Research Group simula nang mag-umpisang lumubo ang mga nahawa ng Omicron variant bago pumasok ang Enero ng kasalukuyang taon.

Gayunman, sinabi ni Lacson na dapat pa ring maging alerto ang mga Pilipino at huwag maging kampante sa kabila ng bumubuting sitwasyon. Inabisuhan niya rin ang publiko na sundin ang mga health protocol dahil hindi pa nakakamit ng bansa ang estado na maaari na lamang ituring ang COVID-19 bilang regular na trangkaso.

“Sa Europe kasi ang trato nila ordinary flu na lang. Wala nang mask, wala nang quarantine, at balik na sila sa normal. Bago natin gawin ‘yon, siyempre, importante na maging science-based, ano, at saka ‘yung data-driven. Kumuha ng enough na datos at i-base sa siyensya kung ano man ‘yung ating—’yung desisyong gagawin ng mga policymakers dito,” sabi ni Lacson.

Bilang kandidato sa pagkapangulo ngayong Halalan 2022, inanunsyo na ni Lacson ang mga maagap niyang istratehiya bilang bahagi ng kanyang mga plano na ayusin ang ekonomiya ng bansa ngayong may pandemya at sa pagtatapos din ng yugtong ito, kabilang ang pagpapatuloy sa libreng bakuna at antigen testing.

Isinusulong ni Lacson kasama ng running mate niya na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang plataporma para sa maayos na pamamahala at paglaban sa korapsyon sa ilalim ng mensahe na “Aayusin Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng mga Pilipino” at “Uubusin ang Magnanakaw.”

Facebook Comments