Humingi ng paumanhin si Pinky Amador nitong Linggo, matapos kumalat sa social media ang video niyang nagwawala at pinagmumura ang staff sa tinutuluyang condo-tel.
Sa pahayag na inilabas ng talent management na ALV Talent Circuit, sinabi ng aktres na nag-ugat ang kanyang galit sa mabagal na aksyon ng management para sa kaligtasan ng kanilang mga tenant sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ginawa raw kasing quarantine facility ang condo-tel ng mga umuwing overseas Filipino worker (OFW) na itinuturing na persons under monitoring (PUM), nang hindi ipinapaalam sa kanilang mga tenant.
“Of note is the fact that these returning Filipinos neither had the proper documentation with them upon entry, nor any indication that they were tested, or when their test results were arriving,” giit ng aktres.
Sinabi ni Amador, na maririnig din sa video, na maging siya mismo ay may nakasalamuhang dalawang PUM sa elevator.
Kaugnay nito, nakiusap umano si Amador at iba pang tenant noon pang May 4 na maglabas ng memo patungkol sa sitwasyon, ngunit walang ginawa ang building admin.
“We simply wanted them to be transparent with us about the goings-on in the building, and to inform us about any systems they have in place. I cannot count the number of times I have tried to communicate this. My other neighbors also tried to do so, to no avail. That was utterly frustrating,” sabi ng aktres.
Binatikos din ng aktres ang pagkuha ng video ng isang staff nang hindi niya alam.
Aniya, “Taking a video without my knowledge in a private property, and deliberately ignoring me (so as to inflame me further) with the intention to leak online, is to me, malicious, vengeful and a violation of the anti-wire tapping act.”
“I am not perfect, far from it. Under these stressful times, when pushed to the limit, how far will you go to protect your loved ones? Sa mga nasaktan ko, I am truly sorry, pero ipinaglaban ko lang ang karapatan natin mabuhay ng ligtas sa sakit,” saad niya sa huli.
Wala pa namang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng condo-tel hinggil sa isyu.