Nasungkit ng Pinoy boxer na si Carlo Paalam ang silver medal kontra Galal Yafai ng Great Britain sa finals ng men’s flyweight division sa Tokyo Olympics.
Nakarekober si Paalam mula sa nakuha nitong knockdown sa round 1 at sinubukan niyang bumawi sa dalawang magkasunod na rounds.
Matapang siyang nakipagsabayan ng suntukan at nilakasan ang opensa laban kay Yafai.
Nagtapos ang kanilang laban via unanimous decision kung saan naiuwi ni Yafai ang gintong medalya.
Matatandaan, maganda ang ipinakita na laban ni Paalam sa Tokyo Olympics patungong finals kung saan tinalo nito ang malalakas na kalaban na sina Brendan Irvine ng Ireland, Mohamed Flissi ng Algeria, Olympic champion Shakhobidin Zoirov ng Uzbekistan at home fighter Ryomei Tanaka ng Japan.
Samantala, nagtapos ang Team Philippines na may isang gold mula kay Hidilyn Diaz, dalawang silver mula kay Carlo Paalam at Nesthy Petecio at isang bronze kay Eumir Marcial na pinakamagandang Olympic performance ng bansa sa kasaysayan.