Gumawa ng kasaysayan ang Filipino gymnast na si Carlos Yulo matapos na magbulsa ng dalawang gold medal sa 2024 Paris Olympics.
Unang nakasungkit ng gold medal ang 24-year-old gymnast sa Men’s Gymnastics – Floor Exercise Finals noong Sabado.
Kagabi naman nang muling mamayagpag si Yulo sa vault apparatus sa score na 15.116.
Silver medalist sa vault final event ang 31-year-old na pambato ng Armenia na si Artur Davtyan habang si Harry Hepworth ng Great Britain ang nakasungkit ng bronze.
Si Yulo ang kauna-unahang male Filipino athlete na nakasungkit ng Olympic gold medal.
Dahil sa dalawang gintong medalya ni Yulo, umangat sa ika-19 na pwesto ang Pilipinas sa medal tally.
Samantala, sigurado na rin ang medalya ng Pilipinas sa women’s boxing event matapos umusad sa semifinals sina Aira Villegas at Nesthy Petecio.
Makakalaban ni Villegas sa women’s 50kg ang third seed na si Buse Naz Cakiroglu ng Turkey sa Miyerkules, August 7.
Makakaharap naman ni Nesthy Petecio sa women’s 57kg si Julia Szeremeta ng Poland sa Huwebes, August 8.