‘Pinoy Hachiko’ na si Buboy, tinayuan ng estatwa sa isang pet cemetery

Facebook/Animal Kingdom Foundation

Binigyang-pugay sa pamamagitan ng estatwa ang asong si Buboy na nag-viral sa social media matapos na matiyagang maghintay sa labas ng faculty room ng pumanaw na amo.

Ibinahagi ng Animal Kingdom Foundation (AKF) sa Facebook nitong Sabado ang larawan ng estatwa ni Buboy na itinayo sa animal cemetery ng foundation sa Capas, Tarlac.

Binansagang Pinoy na bersyon ng loyal Akita na si Hachiko ang aso na pumukaw sa damdamin ng maraming netizens.


Kinilala si Buboy na tapat na alaga at palaging nakabuntot sa propesor na si Carmelito Marcelo sa Mabalacat City College, Pampanga.

Nasawi dahil sa stroke ang propesor nitong Mayo, pero naghintay at minsan ay kumatok pa ang aso sa pinto ng faculty room ng amo.

Saka lang nalaman ni Buboy na wala na ang inaabangang kaibigan nang ihatid ito sa burol ng propesor.

Dalawang buwan makalipas, namatay naman si Buboy matapos mabangga ng sasakyan.

Facebook Comments