Nagkamit ng siyam na medalya ang Philippine Youth team matapos na makuha ang ikatlong puwesto sa United World Wrestling (UWW) Junior and Cadets World Grappling Championships na ginanap sa Ufa Arena sa Russia.
Pinangunahan ito ni Gabriel del Rosario na nagbulsa ng dalawang silver medals sa Cadets 46 kg sa Gi and NoGi events habang isang silver medal rin ang kay David Zaldarriaga sa Gi event sa Cadets 42 kg at bronze medal sa NoGi event.
Nakakuha naman ng bronze medal ang anak ni Universal Reality Combat Championship (URCC) founder at Philippine Wrestling Federation (PWF) president Alvin Aguilar na si Alonso Lucas Aguilar sa Gi and NoGi events sa Cadets 50 kg.
Dalawang bronze medal din ang iuuwi sa bansa ni Joaquin Antonio Marte (Cadets 58 kg) habang isang bronze medal si Fierre Afan (Cadets 85 kg).