Pinoy Online Market na makakatulong sa creative industry, itinutulak ng isang kongresista

Isinusulong ni Leyte Representative Lucy Torres-Gomez ang paglikha ng Pinoy Online Market upang tulungan ang mga Pilipino na maibenta sa online ang kanilang creative arts, products gayundin ng services na susuporta sa mga MSMEs.

Sa inihaing House Bill 8064 o Online Pinoy Creative Act, ay inaatasan dito ang Department of Trade and Industry (DTI) na lumikha ng online market platform para sa mga Filipino crafters, artisans, artists, musicians, filmmakers, wellness providers, instructors, chefs at iba pang nasa linya ng creative industry.

Ang Pinoy Online Market ay magsisilbing venue para makita ng customers, at makapagbenta ng produkto o serbisyo.


Maaari ring makapaghatid dito ng physical goods, at digital products gaya ng mga written documents o images, live stream events, taped film at video o live meetings at classes.

Tinukoy ng kongresista na ang creative industry and economy ang isa sa mga pinakaapektado rin ng COVID-19 pandemic dahil karaniwang may physical contact o interaction ang larangan na ito.

Bukod sa makakatulong ang panukala para makapagbigay ng alternatibong income source sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya ay makakahikayat din ito sa mga Pilipinong nasa bansa at abroad na tangkilikin ang likha ng mga Pinoy na nasa linya ng creative industry.

Facebook Comments