Isang 34-anyos Pinoy na nagtatrabahong nurse sa London ang nadagdag sa bilang ng health workers na namatay sa novel coronavirus.
Binawian ng buhay si Kenneth Lambatan, research nurse sa cardiology ward ng St. George’s Hospital, nakaraang Lunes, Abril 27, ayon sa ulat ng The Sun.
Napaulat na nagkaroon ng hypercoagulation o mabilis na pamumuo ng dugo ang nurse makaraang tamaan ng COVID-19.
Inilarawan ng chief executive ng ospital na si Jacqueline Totterdell si Lambatan bilang “true gem” na popular sa kanyang mga katrabaho at maging sa mga pasyente.
“He was dedicated to his role as a research nurse here at St. George’s, and was as popular with his patients as he was with colleagues,” aniya.
Sa isang Facebook post, inalala naman ng kapatid ng nurse na si Ezel ang kanyang Kuya Ken bilang “bayani”.
Kuwento ni Ezel, kahit nasa London ang kapatid ay hindi ito pumalyang magbigay ng payo tungkol sa trabaho, buhay, at iba pa.
“I lost count on the times you saved me from wrong choices,” saad niya.
“He joins the thousands of Medical frontliners who sacrificed their lives in the name of one of the most noble professions in the world. Please remember them and Kuya in your prayers,” dagdag ni Ezel.
Isa si Lambatan sa higit 100 National Health Service workers na namatay habang nagsisilbing frontliner laban sa COVID-19 sa UK.